Ang taguring "hermetic magic" ay batay sa pangalan ni Hermes, mensahero ng mga diyos sa Bundok Olympus ng sinaunang Gresya. Ama niya ang dili iba't si Zeus, na mismong pinuno sa Olympus. Ina niya si Maia, isang nimpa ng Bundok Arcadia.
Si Hermes ay nagsisilbing tagahudyat; bantay ng mga pagitan at ng mga daan; at gabay ng mga kaluluwa patungong Hades. Ang taguri sa kaniya sa sinaunang Roma ay Mercury, na siyang pinanggagalingan ng ngalan ng planetang yaon, ng pantanging mercurial, ng likidong mercury, ng mercury lamp at, oo, ng Mercury Drug. Ang hawak niyang "caduceus", o tungkod ng tagahudyat, na gawa sa kahoy ng oliba, may dalawang pakpak sa uluhan at pinupuluputan ng dalawang garland, o baging na dahon - na di naman lumaon ay hinalinhan ng imahen ng dalawang serpyente - ay siyang naging sagisag ng panggagamot hanggang sa kasalukuyang panahon. Dalawa pang bagay ang kinikilalang pag-aari niya: ang petasos, o malapad na sumbrero, na nagtataglay rin ng dalawang pakpak; at ang talaria, o mababang sapatos, na mayroon ding mga pakpak sa magkabilang bukung-bukong.
Sa tinagal ng panahon, si Hermes ay kinilala bilang Hermes Trismegistus, pangalang nagkaroon ng kaugnayan sa sinaunang Egyptian na diyos na si Thoth, ang tagatala ng mga diyos, tagapamahala ng panahon, tagalikha ng mga numero, o bilang - at hari ng magica. Ayon sa ilang mga aklat, ang karunungan ni Thoth (o ni Hermes Trismegistus) ay nakatala sa mga barahang Tarot.