ANG HERMETIC ORDER OF THE GOLDEN DAWN

Ang unang pangkat ng nagsaliksik, gumamit at nakinabang sa karunungan ni Thoth ay ang Frates Rosea Crucis, na itinatag ni Christian Rosenkreutz sa Alemanya noong 1398. Ito ay nagpalit ng pangalan nang bandang 1614 kung saan ito'y naging Rosicrucian Order. Isa sa mga layunin ng grupo ay ang panatilihing buhay ang Mistisismo, ang paniniwala na ang bawat tao ay may likas na kakayahang makaniig ang Diyos, makatamo ng kabanalan at makabahagi sa dalisay na katotohanan. Ayon sa Fratres Rosea Crucis, ito ay batay sa nakasulat sa Pentateuch sa wikang Ebreo - ang orihinal na unang Limang Aklat sa Santa Bibliya - na nagsasalarawan kung paano si Moises ay naging simuno ng lahat ng ito.

Ang Hermetic Order of the Golden Dawn ay itinuring na "apo" ng Frates Rosea Crucis, o ng Rosicrucian Order. Umiral ito sa pamumuno ng mga tulad nina MacGregor Mathers, Aleister Crowley, Israel Regardie at Dion Fortune bilang disiplinadong pamamaraan ng pag-aaral ng at pagdaranas sa magica. Ang kanilang mga miyembro ay nagsimula bilang Neophyte at umangat sa mga gradong Zelator, Theoricus, Practicus, Philosophus at Adepti. Marami silang kasangkapang ginamit sa pagsasagawa ng magica at masalimuot ang kanilang mga ritwal at seremonya.